Sino ang maaaring Magparehistro para Makaboto?
Maaari kayong magparehistro para makaboto kung kayo ay:
- Isang mamamayan ng U.S.
- Isang residente ng California
- Hindi bababa sa 18 taong gulang sa o bago ang susunod na halalan
- Hindi kasalukuyang nagsisilbi ng isang term sa pang-estado o pederal na bilangguan dahil sa napatunayang felony
- Hindi idineklara ng aksyon ng hukuman bilang walang kakayahan ang isipan
Paano ako dapat magparehistro para makaboto?
Maaari ninyong kumpletuhin ang isang form ng pagpaparehistro ng botante sa lahat ng mga tanggapan ng koreo, city hall, karamihan ng mga pampublikong aklatan, mga opisina ng Department of Motor Vehicles (DMV) at karamihan ng mga ahensiya ng pamahalaan. Pagkatapos mong pirmahan ang form, ihulog lamang ito sa koreo. Bayad na ang selyo.
Ang website ng Kalihim ng Estado ay nagbibigay sa inyo ng kakayahan na kumpletuhin online ang isang form ng pagpaparehistro ng botante. Ginagamit ng online form ang inyong pirma na nasa file ng DMV para sa lisensiya sa pagmamaneho o ID ng estado. Kung kayo ay walang pirma ng DMV, maaari ninyong i-print ang form, pirmahan ito, ipadala ito sa koreo.
Kailan ako dapat muling magparehistro para makaboto?
Kung kayo ay lumipat, nagpalit ng inyong pangalan, o nais palitan ang inyong kinasasapiang partidong pampulitika, kayo ay dapat na muling magparehistro para makaboto.
Ang huling araw upang magparehistro para sa anumang halalan ay 15 araw bago ang Araw ng Halalan. Pagkatapos ng huling araw, maaari pa rin kayong magparehistro nang may kondisyon at bumoto sa alinmang Sentro ng Pagboto sa County ng San Mateo. Ang inyong boto ay isasama sa pagbilang pagkatapos na makumpirma kayo bilang isang karapat-dapat na botante.
Kalilipat ko lang sa California, kailan ako maaaring magparehistro para makaboto?
Maaari kayong magparehistro (o muling magparehistro) kahit kailan, pero dapat kayong magparehistro 15 araw bago ang isang halalan upang maging karapat-dapat bumoto sa halalang iyon. Pagkatapos ng huling araw, maaari pa rin kayong magparehistro sa alinmang Sentro ng Pagboto sa County ng San Mateo. Ang inyong boto ay isasama sa pagbilang sa sandaling makumpirma na kayo ay karapat-dapat na botante.
Sa mga pampanguluhang halalan, ang mga natatanging tuntunin ay pinaiiral sa mga bagong residente.
Maaari ba akong magparehistro sa aking business address o magagamit ko ba ang aking P.O. Box number?
Kayo ay karapat-dapat lamang magparehistro para makaboto gamit ang inyong lugar na tirahan. Kayo ay karapat-dapat lamang bumoto sa mga labanan sa mga hurisdiksyon kung saan kayo naninirahan (halimbawa, sa mga katungkulan sa kongreso, asembleya ng estado, senado ng estado, munisipalidad, hukuman, county, paaralan at/o espesyal na distrito). Gayunman, ang mga kalahok sa Safe at Home ay makakagamit ng isang libreng P.O. Box sa halip ng isang home address.
Maaari kayong gumamit ng isang business address o isang P.O. Box bilang mailing address upang tumanggap ng mga materyal na impormasyon para sa botante at mga balota.
Dapat ba akong magparehistro sa isang ispesipikong partido?
Hindi. Ang batas ng California ay nagsasaad na ang isang indibidwal ay maaaring pumili ng “Walang Kinakatigang Partido” kapag nagpaparehistro para makaboto.
Anu-ano ang mga kwalipikadong partido?
Ang mga kwalipikadong partidong pampulitika sa California ay: ang Partidong Amerikanong Independiyente, Partidong Demokratiko, Partidong Luntian, Partidong Libertaryan, Partidong Kapayapaan at Kalayaan at Partidong Republikano. Ang batas ng California ay nagpapahintulot sa inyo na magparehistro at piliin ang opsyon na “Walang Kinakatigang Partido” na nagpapabatid na kayo ay hindi kasapi sa alinmang partido. Ito ay kapareho ng isang walang kinikilingang botante, isang independiyenteng botante, o isang “Tumangging Magpahayag” na botante.
Maaari ko bang palitan ang aking kinasasapiang partidong pampulitika?
Oo. Kung nais ninyong palitan ang inyong kinasasapiang partidong pampulitika dapat kayong muling magpaparehisto nang hindi bababa sa 15 araw bago ang isang halalan. Pagkalampas ng huling araw, maaari pa rin kayong magparehistro nang may kondisyon at bumoto sa alinmang Sentro ng Pagboto sa County ng San Mateo. Ang inyong boto ay isasama sa pagbilang sa sandaling makumpirma na kayo ay isang karapat-dapat na botante.
Kung hindi ako bumoto sa nakaraang halalan, dapat ba akong muling magparehistro?
Hindi. Pangkaraniwan, kayo ay nakarehistrong bumoto hanggang kayo ay naninirahan sa kaparehong address.
Paano ko malalaman kung ako ay nakarehistro para makaboto?
Pumunta sa pahinang “Alamin ang Aking Pagpaparehistro/I-access ang aking mga Materyal sa Halalan/Tingnan ang Aking Pamplet ng Halimbawang Balota”. Hihingin sa inyo na i-type ang inyong numero ng bahay, zip code at petsa ng kapanganakan upang alamin ang katayuan ng inyong pagpaparehistro ng botante. Maaari ring tawagan ninyo ang Dibisyon ng Pagpaparehistro at mga Halalan ng County ng San Mateo sa 650.312.5222 at hilingin sa isa sa mga tauhan na tingnan kung kayo ay nakarehistro.
Maaari ba akong makakuha ng impormasyon tungkol sa pagpaparehistro ng ibang indibidwal?
Oo. Gayunpaman, ang access sa impormasyong ito ay may restriksyon. Ang Kodigo ng mga Halalan ay may napakahigpit na patakaran na nauukol sa mga ipinahihintulot na paggamit na impormasyon tungkol sa botante.
Ako ay naging bagong mamamayan pagkaraan ng huling araw ng pagpaparehistro. Maaari pa rin ba akong magparehistro at bumoto?
Oo. Ang mga taong naging mga mamamayan pagkatapos sarhan ang pagpaparehistro ay makakaboto lamang sa Opisina ng mga Halalan hanggang sa ikalabing-isang araw bago ang isang halalan. Ang mga bagong mamamayan ay dapat magpakita ng isang Sertipiko ng Naturalisasyon at magpahayag na sila ay nakapagtatag na ng paninirahan sa County ng San Mateo.
Maaari pa bang bumoto at maging karapat-dapat bumoto ang isang dating napatunayang nakagawa ng felony?
Oo. Ang isang dating nakagawa ng felony ay maaaring magparehistro para makaboto at karapat-dapat bumoto sa mga halalan kung sa kasalukuyan sila ay wala sa bilangguan dahil sa napatunayang felony.
Ano ang May-kondisyong Pagpaparehistro ng Botante?
Sa 14 araw na panahon hanggang sa at kabilang ang Araw ng Halalan, ang isang indibidwal ay maaaring pumunta sa opisina ng kanilang Opisyal ng mga Halalan o itinalagang sangay na lokasyon upang magparehistrong may kondisyon para makaboto at botohan ang isang pansamantalang balota. Ang prosesong ito ay tinatawag na Conditional Voter Registration (CVR).
Upang magparehistrong may kondisyon, ang indibidwal ay dapat munang magkumpleto ng isang apidabit ng pagpaparehistro (kilala rin bilang tarheta ng pagpaparehistro ng botante). Kasunod ay bibigyan ang botante ng isang CVR provisional ballot upang bumoto.
Sa sandaling maproseso ng Opisyal ng mga Halalan ng county ang apidabit ng pagpaparehistro, mapagpasiyahan ang pagiging karapat-dapat ng indibidwal upang magparehistro at mapatibayan ang impormasyon tungkol sa indibidwal, ang pagpaparehistro ay magiging permanente at ang CVR provisional ballot ay isasama sa pagbilang. Ang prosesong ito ay nagaganap bago o sa panahon ng panahon ng pagbilang.